Walang sinoman ang nais maging masamang boss o amo sa trabaho.
Ngunit sa panahon ngayon, marami sa atin ang nakararanas na mapapait na experiences sa mga boss, mga hindi maswerte at laging natatapat sa toxic o may ibang paniniwala at ugali.
Kaya naman dalawampung taon masusing pinag-aralan ni Bill George ang mga kamalian sa pamumuno sa trabaho at ang kadalasang nagiging dahilan o ugat nito. Si George ay isang senior fellow sa Harvard Business School at former CEO ng medical technology company Medtronic.
Ayon sa panayam kay George sa CNBC Make It, ang mga boss ay napapasama o nag-iiba kapag nawawala sila sa kanilang “true north” na kaakibat ng kanilang values at beliefs sa pagiging tunay na lider.
Aniya, ang mga katangiang ito ang gumagabay sa tamang pagdedesisyon at epektibong pamumuno dahil mas niyayakap at sinusunod ng mga tao ang mga boss na ‘authentic’ o totoo.
Maaari rin kasi umanong nawawala sa diresksyon ang iba dahil sa pera, kasikatan at kapangyarihan.
Sa bagong libro na “True North: Leading Authentically in Today’s Workplace, Emerging Leader Edition.” na inilabas nina George at Zach Clayton, inilahad nila ang limang uri ng mga amo o boss na ayaw mong makatrabaho o maging katulad.
1. Impostor
Sila ‘yong madalas lumaban upang umangat ang posisyon sa mga organisasyon o kompanya, gamit ang itsura at charm. Ngunit kapag sila ay nasa mataas na posisyon na, wala silang ideya o alam kung paano maging epektibong lider dahil hindi nila ito pinaghirapan o pinag-aralan man lang.
Ang pagkakaroon ng self-awareness o kaalaman ay makatutulong na maintindihan ng mga boss ang tama at mali sa pamumuno, at kung paano nila epektibong mai-improve ang kanilang pamumuno.
2. Rationalizer
Ito ang type of boss na laging on top of everything pero iwas sa accountability o “masters of denial” kapag may nagkamali. Ang siste, sinisisi ang iba sa mga maling aksyon o desisyon na gawa niya.
3. Glory seekers
Nagkaroon ka na ba ng boss na kagaya nito? Ang glory seekers ay nagbabase sa halaga ng pera na kaya nilang itaya at dami ng titulo na kanilang nakukuha. Prayoridad nila ang kasikatan at karangyaan kaysa sa pagbuo ng relasyon o mahalagang kontribusyon sa kompanya o organisasyon na may pangmatagalang value, dahil nga hindi sila nakukuntento sa kung anong meron sila. Sapat na ‘yong sila ay sikat, may titulo, at makapangyarihan.
4. Loners
Sila naman iyong umiiwas na makabuo ng koneksyon, relasyon, at support network sa loob ng opisina o organisasyon. Tingin nila ay kaya nilang gawin lahat nang sila lang, at hindi tumatanggap ng reject feedback o advice mula sa kanilang empleyado o mentors. Ang resulta ay madalas na pagkakamali at kapalpakan sa desisyon na naglalagay sa organisasyon sa alanganin.
5. Shooting stars
Ang focus nito ay makausad at makaalis agad. Agarang lumilipat sa ibang trabaho o posisyon nang hindi sinesettle o inaayos ang mga pagkakamali mula sa inalisang trabaho. Itong istratehiyang ito ay hindi akma sa isang lider dahil para lamang siyang shooting stars na susulpot at mawawala. Sa huli, para silang crashing and burning.