Alam ninyo ba na may tamang oras sa pagbili ng sapatos?
Mas mainam na bumili nito sa hapon (4-5pm) o gabi. Natural kasing lumalaki ang mga paa kapag aktibong nagagamit (mula umaga), at maaaring madagdagan pa ng laki tuwing mainit ang panahon. Kapag bibili, magsuot pa rin ng medyas na pinapares sa sapatos na gusto ninyo para malaman na komportable ito.
Kung bibili sa umaga, malaki ang tsansa na kapag sinimulan ninyo na itong suotin at sa kalagitnaan ng araw ay mararamdaman ninyo nang masikip na ang sapatos.
Ang tip na nabanggit ay mainam din para sa mga taong may diabetes dahil kapag mali ang sapatos na nabili o nagamit ay magdadagdag lamang sa komplikasyon ng diabetic foot at injury.
Sa pag-aaral pa, sa paglipas ng araw, ang konsentrasyon ng asukal at asin sa dugo ay tumataas, na nagiging sanhi ng pagpapanatili ng likido sa katawan, partikular sa mga braso at binti. Mas maraming tubig ang naiimbak sa buong katawan sa gabi kung kailan tumataas ang konsentrasyon ng asukal at asin. Dahil sa pagpapanatili ng likido o fluid retention, kung ang sukat ng paa ay 7 sa umaga, maaaring maging 8 ito sa gabi.
Iba pang tips
– Sa pagpili rin ng sapatos, maliban sa sukatin ay ilakad-lakad ito kahit sa carpet. Subukan din na mag-squat habang suot ang sapatos para malaman kung komportable ito sa kahit anong galaw.
– Pakiramdaman ang loob ng sapatos dahil baka may materyal dito na nakaiirita sa pagsuot – na kung hindi maganda ang pagkakagawa sa sapatos ay masasaktan lamang ang inyong mga paa.
– Iwasan ang pagbili ng sapatos na mabigat (kahit pa branded) dahil mabilis lamang mapapagod ang inyong mga paa – dahilan para masira rin ang mood o araw ninyo.
– Mahalaga ring malaman ang tamang pagbili ng mga sapatos na panlakad, pantakbo, pangsayaw, pang-gym workouts at iba pa. May kanya-kanya kasi itong features upang maiwasan ang injury.
– Maaaring maging batayan din sa pagkuha ng sukat ng paa ay mula sa haba ng inyong braso o forearm (punong bahagi ng kamay hanggang tupi ng braso, likod ng siko). Sa karamihan, malamang na ang haba ng kanilang mga buto sa bisig (forearm) ay katulad ng haba ng kanilang paa. Gayunman, hindi ito laging perpekto. May mga tao na may pagkakaiba ng ilang sentimetro o kahit isang pulgada o dalawa. Sa katunayan, ang ilang mga tao ay maaaring may mas maliit na paa kaysa sa mga bisig o vice versa. Iyon ay dahil ang katawan ng bawat isa ay iba-iba at kumplikado, at kung ano ang totoo para sa isang tao ay maaaring hindi totoo para sa isa pa.