Araw-araw dinarayo ang pamilihan ng Divisoria sa Maynila dahil na rin sa mura ng mga bilihin dito lalo na pagsasapit ang pasukan ng mga estudyante at Pasko. Mga bilihing pansarili o pangnegosyo na pangangailangan ay maaaring dayuhin ito… kaya naman ito ang ilan na paalala upang ma-enjoy ang pamimili sa Divi ay maaaring ikonsidera ang ilang tips na ito:
- Agahan ang pagpunta para maraming mabisita na tindahan. Hindi magsasawa sa iyo ang pamilihang ito lalo na’t hindi mauubos ang bibilhin ng mga tao. Minsan sa dami ng magagandang puwede na bilhin gusto mo nang bilhin lahat. Kaya mahalaga na piliin ang naayon sa iyong sariling budget.
- Siguraduhin na komportable ka sa damit na suot mo. Mahalaga na naaayon sa pamimili sa Divisoria ang damit mong isusuot. Makatutulong ito na mas mapadali ang iyong pamimili o pamamasyal lalo na kung maghapon kang mamimili o magbibitbit ng bilihin.
- Mahalaga na magdala ng maiinom na tubig.
- Iparada ang sasakyan sa tamang paradahan. Dinadaanan ng pampubliko o pribado na sasakyan ang ilang kalsada sa Divisoria. Tinatayuan naman ng tindahan ang ibang kalsada dito. Mahalaga na alam mo na nasa tamang paradahan ng sasakyan ka nakaparada.
- Magdala ng listahan ng iyong bilihin. Makatitipid ka sa oras kapag handa kang mamili, hindi ‘yung saka ka mag-iisip kung ano bang kailangan mo. Kapag may listahan kang dala, dadamputin mo na lang ‘yung kailangan mo at sigurado ka na tama ang mabibili mo.
- Magdala ng extra ecobag para lagayan ng iyong mga pinamili. Magiging madali ang pamimili mo kung mayroon kang malaking ecobag na maaaring paglagyan at pagsamahin ang iyong pinamili. Sa ganoong paraan maiiwasan mo na makaiwan ng bilihin sa ibang tindahan. Hindi ka rin gaanong mahihirapan na magbitbit ng maraming bukod bukod na nakabalot na pinamili.
- Huwag kakalimutan na kumain ng tanghalian o magmerienda. Mayroong food court ang malls sa itaas na palapag na maaaring pag-orderan ng iba’t ibang klase ng pagkain. Mayroon ding street food, sariwang prutas o kariton na umiikot na naglalako ng tubig o merienda. Importante na mayroong laman ang tiyan habang nag-iikot upang mayroong lakas habang namimili.
- Ingatan ang mahalagang gamit gaya ng pera o cellphone. Mahalaga na mayroon kang bag na nakasabit sa iyong balikat at nakaposisyon sa iyong harapan. Sa ganoong paraan mas mababantayan mo ang iyong gamit na dala-dala. Mahalaga na ugaliing i-check o isara ang zipper ng bag upang hindi ka madukutan o malaglagan ng pera o cellphone.
- Magtanong sa guard pagdating sa tamang direksyon na pupuntahan. Kung hindi ka sanay sa lugar, hindi bago na maligaw o maghanap ka sa tamang pupuntahan. Ilang kanto, kalsada, gusali, palapag ang sari-saring tindahan na maari mong puntahan depende sa iyong pangangailan bilang isang mamimili. Mayroong malls o tindahan na nakapuwesto sa labas nito na pumupuno sa buong Divisioria. Kaya naman mahalaga na sa tamang alagad o tao tayo magtatanong ng tamang direksyon.
- Gagalingan ang pakikipagkatawaran sa tindera pagdating sa presyo ng bilihin. Hindi bago sa sistema ng kalakaran sa pamilihan ang paghingi ng tawad sa orihinal na presyo. Ngunit mas madaling isakatuparan ang paghingi ng tawad o discount sa tindera kapag maramihan o bultuhan kang mamimili. Dagdag pa na hindi ka palipat-lipat ng tindahan para sa klase ng produkto na kailangan mong bilhin.
Mahalaga ang pagiging wais o responsable pagdating sa pamimili kaya nararapat na paghandaan ang araw ng pagbisita sa Divisoria.
Quiatzon Che | Popbitsph