Ayon sa Marine Wildlife Watch of the Philippines nasa 200 uri ng pagi at pating ang nasa Pilipinas. Halos 21 uri nito ang ideneklarang protektado ng Bureau on Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture (BFAR-DA). Sa ilalim ng Fisheries Administrative Order No. 193 series of 1998 nakasaad ang pagpapahalaga at pagprotekta sa uri ng isda.
Mahigpit na ipinagbabawal ang paghuli, pagbili, pagkakaroon, o pagbebenta sa loob o sa labas ng bansa ng uri ng isda. Dahil sa nakababahalang mabilis na pagbaba ng populasyon ng pagi at pating sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas sa pakikiisa sa pangangalaga ng naturang uri ng isda.
Higit sa lahat, sa tulong ng mamayan at mangingisda mapagtatagumpayan ang pangangalaga sa isda na nasa yamang tubig ng Pilipinas. Isa ang bansa sa dinadaanan ng pagi at pating sa kanilang paglalakbay sa buong mundo upang magparami ng uri. Ngunit sa pagtagal ng panahon ay nagiging mas mailap at mahirap na silang makita sa kanilang tirahan.
Sa kabila ng matatalas nilang pangil na kinatatakutan ng tao ay nananatili silang mahina pagdating sa food chain. Kaliwa’t kanan ang direct threats o ang paghuli sa kanila sa karagatan. Kadalasan na hinahalo o kinakain bilang sinabawan na ulam, pinanggagamot o kaya ay ginagamit na palamuti ang uri ng isdang ito.
Nariyan din ang hindi mabilang na indirect threats, hindi lamang sa pagi at pating ngunit gayundin sa yamang tubig. Mayroong iba’t ibang klase ng polusyon at coastal development na gawa ng kalakasan ng tao. Isa na rin ang climate change na nakasisira, nakauubos at nakaiistorbo sa natural na tirahan na yaman ng tubig.
Ang lahat ng uri ng manta rays o pagi, whale shark o butanding/tiki, oceanic whitetip shark, great white shark kasama ang great white shark ay ilan sa may buhay na protektado sa ilalim ng batas ng Pilipinas. Ito ay nakabase sa ulat ng Convention on International Trade in Endangered of Wild Fauna and Flora (CITES).
Ngunit bakit ba sila kinakailangan na pangalagaan at protektahan? Bukod sa dahilan na isa ang uri nila sa pinakamatanda na klase ng nabubuhay sa mundo. Mayroon din silang naitutulong upang makapag-ambag sa ikababalanse ng marine ecosytem at mundo.
Mahalaga sa tao ang dagat dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng pagkain at likas nating yaman. Gayundin, mahalaga ang pagi at pating sa dagat bilang isa silang parte ng yaman nito. Higit sa lahat, ginagampanan ng isda ang pagmamantina sa halamang karagatan na kinukuhanan ng tao ng enerhiya upang mabuhay.
Kaya naman ninanais ng Shark Conservation Act of the Philippines 2021 na mas paigtingin ang pagprotekta at pagbabantay dito. Sa tuloy-tuloy na pagpapakalat ng kamalayan tungkol sa uri ng isdang ito ay mas mapapaigting ang pangangalaga dito. Sa pamamagitan ng videography, workshop, poster na maaring kabilangan ng kabataan ay magiging bantay kalikasan sa kanilang itinakdang panahon.
Makatutulong tayo sa pamamagitan ng hindi pagtangkilik sa kahit anumang produkto na nanggaling sa pagi o pating. Sa pagbabahagi ng kahalagahan at impormasyon. Higit sa lahat, sa pakikinig at pagbabasa ng mga nasusulat at salitain patungkol dito.