PAGTATANIM at pag-aalaga ng hayop ang mga bagay na pinagkakaabalahan ni former world boxing champion Jerwin Ancajas.
Kahit naghahanda sa laban, hindi niya kinaliligtaan ang kanyang halamanan at mga alagang native manok at baboy na abot 30 piraso.
Puro organic naman ang mga tanim niyang gulay gaya ng ampalaya, sitaw, kalabasa, upo at sayote.
Katuwang ang kanyang manager/trainer na si Joven Jimenez at stablemates sa higit isang ektaryang lupa sa tinawag nilang Survival Camp sa Imus, Cavite, kada buwan nilang inaani ang mga pananim.
“Magandang libangan po pagkatapos ng training,” lahad ng 31-anyos at tubong Panabo City na si Ancajas. “Mahilig po kasi ako sa farming.”
Nang dumanas ng pandemic ang buong mundo, natengga sa kani-kanyang bahay ang mga tao at dito naisipan nina Ancajas at Jimenez simulan ang pagtatanim at magparami ng alagang manok at baboy.
“Native manok at gulay every month naming hina-harvest, may saging din kaming tanim, madami,” kuwento ni Jimenez. “Bale, 2018 pa po nag-start ‘yung manok at baboy, medyo dumami na lang hanggang ngayon,”
Bukod sa masustansyang pagkain mula sa organic gulay at native manok at baboy, malaking tipid din sa bulsa ang ginagawang pagtatanim ni Ancajas.
“Yes, malaking bagay po at tipid, bukod sa masarap at sariwa ‘yung kinakain namin po sa araw-araw,” esplika ni Jimenez.
Tinanghal na IBF junior bantamweight champion si Ancajas noong Setyembre 3, 2016, matapos talunin ng unanimous decision si Puerto Rican McJoe Arroyo.
Sa kanyang unang depensa, nanaig siya kay Jose Alfredo Rodriguez ng Mexico via 7th round TKO sa Macao (2017).
Sinundan ito ng magkasunod na TKO win laban kay Teiru Kinoshita ng Japan (7th round) at Jamie Conlan ng Ireland (6th round) noon ding 2017.
Pagsapit ng 2018, itinala ni Ancajas ang 10th round TKO win kay Israel Gonzalez, tatlong beses bumagsak sa labang ginawa sa Corpus Christi, Texas para sa kanyang ikaapat na title defense.
Taong 2018 din nang magdepensa at manalo ng unanimous decision sa kababayang si Jonas Sultan sa Fresno, California.
At bago natapos ang nasabing taon, nauwi sa split decision ang ikaanim niyang title defense kay Alejandro Santiago ng Mexico.
Dalawang beses pang nakapagdepensa ng titulo si Ancajas noong 2019, kung saan nanaig kina Ryuichi Funai ng Japan (7th round RTD) at Miguel Gonzales ng Mexico (6th round stoppage).
Hindi nakapagdepensa si Ancajas, nickname ‘Pretty Boy’, sa sumunod na dalawang taon bunga nang pandemya.
At nang matapos ang pandemya, ipinagpatuloy ni Ancajas ang kampanya sa 115-pound division.
Subalit, Pebrero 2022, dahil sa sobrang pagdyi-dyeta o pagbabawas ng timbang, naapektuhan ang performance ni Ancajas. Natalo at naagaw sa kanya ni Argentine Fernando Daniel Martinez ang IBF super flyweight crown via unanimous decision sa Las Vegas.
Makaraan ang walong buwan, muli silang nagsagupa, ngunit katulad sa unang laban, bigo pa rin ang Pinoy fighter mabawi ang kanyang korona.
Dito na nagdesisyon si Jimenez na iakyat sa mas mataas na timbang alaga, sa bantamweight division (118 lbs), upang hindi na mahirapan sa pagre-reduce sa weigh-in.
Katunayan, itinakda sa Pebrero 12 ang bantamweight debut fight ni Ancajas versus Thai Songsaeng Phoyaem sa Cavite.
Subalit, habang isinusulat ito, wala pang pinal na desisyon, makaraang i-hold ng MP Promotions ang laban, dahil mas malaking laban umano ang ibibigay kay Ancajas.
“Hold muna po, ayon kay Sean Gibbons (MP Promotions president), hinahanapan po kasi ng mas malaking laban si Jerwin, pero wala pang final details, maghintay lang po kami,” wika ni Jimenez. (VT ROMANO)