Pop Culture Perfect Pair sa Kape na Swak Sa’yo!
Ang paghigop ng mainit na kape ang kumukumpleto ng araw ng marami sa’tin. Kapeng barako, kape na may sandamakmak na asukal at gatas, iced coffee na iba’t ibang flavors, or 3-in-1, branded coffee ng Starbucks, Tim Hortons, Dunkin’ Donuts o ng Krispy Kreme,
Basta may kape sa umaga, enough na para lumakas ang katawang lupa natin. Pero alam mo ba ang perfect pair sa kape na swak na swak sa’yo? Ako alam ko!
Brewed coffee – ito ay yung katitimpla mo palang, pero sinasabayan na ng sermon ng boss mo dahil hindi mo pa na submit ang deliverables mo na “due kahapon.” Masarap ba higupin ang brewed coffee habang ikaw ay pinagsasabihan ng iyong boss? Kung super tarantula ka naman sa kaniyang maraming ebas, e mapapa-straight drink ka na lang sa lumamig mo nang kape. Ayos na panimula!
Hot caramel macchiato ng Starbucks – ito yung bitbit mo pagpasok ng opisina, tapos makakasabay mo si crush sa elevator. Perfect blend! Mukhang sumahod ka na kasi naka-Starbucks na sa umaga, pero mukhang mas jackpot ang feeling kung makakasabay si crush sa elevator. Nag-hi o ngumiti ka man lang ba?
Kopiko Blanca – paborito ito sa afternoon break ng mga Maritess. Ano ang latest Maritess?, si Linda may bagong bag at sapatos, kahit hindi pa naman akinse. Mas masarap ang pag-inom ng Kopiko sa pantry or kahit sa yosihan kasama ang mga officemates na paboritong topic si Linda at kung ano pa ang mga bago sa suot nya. Sa dami ng chika, baka makadalawang timpla ka pa.
Spanish latte ng Dunkin’ Donut – yung friend mong na-promote sa trabaho kaya nilibre ka at me kasama pang bunwich at croissants. Lakas! Dahil masaya sa promotion, may pa take-out pang two boxes si friend na promoted sa trabaho. Iba talaga kapag promoted! Bata mo kami, boss!
City blends ng 7-11 – may kasama pang pandesal at kaulayaw na masipag na jowa na naghahatid-sundo saýo sa opisina. Sanaol perfect combi!
Iced Coffee Vanilla ng Tim Hortons – habang may naririnig kang nag-aaway na mag-jowa sa kabilang table habang hinahabol mo ang iyong deadline sa trabaho. Don’t worry, magbabati din sila, deadline mo ang intindihin mo. Tik tok tik tok.
Kape-puro – kasama ang lolo at lola mo na naglalambing sayo na ayusin ang kable ng telebisyon dahil oras na ng paborito nilang teleserye. Ito ang kape-puro na babalik-balikan dahil nagpapaalala ito ng muling paglalambing at pagsasama namin nila lolo at lola. Nakakamiss!
Kape at bibingka – Magpapasko na naman.Bagay na bagay ang kape sa bagong lutong bibingka na binibili mo sa kanto paguwi mo galing eskwela o trabaho. Samahan mo din ng Christmas songs nila Jose Mari Chan at Mariah Carey. Panalo!
Kape at kaning mainit – Naranasan mo na bang isabaw ang kape sa kanin? Perfect pair ito para sa mga batang curious na isabaw o iulam ang kape sa kanin. Parang champorado ba na coffee flavor? Swak din ito sa budget mo, lalo na tuwing petsa de peligro. Ang importante naman ay sama-samang kumakain ang buong pamilya.
Kape at weekend vibes!
Dahil Coffee is life, perfect ang unli-kape kapag alam mong weekend o rest day mo na!
Naging parte na ng pahinga mo ang paghigop ng kape—mainit man ang panahon o tag-ulan. Tila nasaksihan na ng kape ang ups and downs mo, ngarag man or chill. Iba’t-iba man ang ipinapareha sa kape, ang mahalaga ay nalalasahan mo pa rin ang pait, tapang, at tamis nito na katuwang mo sa pagsubok, kalungkutan, kasiyahan, at selebrasyon ng iyong buhay. O tara, kape na!
Cover photo from freepik.com